Airalyn Gara, Ateneo de Manila University, 2025
Abstract
Nagpatuloy sa kontemporaryong panahon ang penomenon ng love team dahil lumalagpas sa panahon ang emosyonal na epekto nito sa fans. Nagdudulot ito ng aliw, ligaya, at pagtakas sa realidad lalo sa panahon ng pandemya. Dahil sa krisis na ito kaya nagkaroon ng panghihina sa ekonomiya at kakulangan sa mga bagong serbisyo sa midya dulot ng pisikal na limitasyon--pagbabawal na lumabas upang hindi kumalat ang sakit na Covid-19, paglilimita sa bilang ng mga tao sa likod ng mga produksyon, pangangailangang sumunod sa mga alituntuning pangkalusugan, at iba pa. Ngunit ang pandemyang ito ang nagtulak sa mga kompanya ng midya na mag-alok ng mga serbisyong makokonsumo pa rin sa bawat tahanan gaya ng pagpapakilala ng bagong love team. Isa ang DonBelle sa mga bagong inalok sa madla na mainit na tinanggap ng mga fans at mabilis ding lumaganap ang kanilang fanbase sa social media na tinatawag na "Bubblies." Mabilis na nakilala ang fandom na ito dahil sa aktibong presensiya sa social media at pagkakaroon ng sariling pagkilos para sa kanilang pagkokonsumo--kung saan kabilang ang paglikha ng mga fanvid sa TikTok na idinisenyo ng mga vidder upang maging lunsaran ng kolektibong naratibo ng fandom. Bunga nito, tunguhin ng pag-aaral na ipakilala ang talab bilang panlarawan sa mga motibasyon o puwersang nag-uudyok sa Bubblies na magsagawa ng fanvidding. Sa pagsusuri ng mga diskursong isinulong ng mga ito sa social media, naipakilala ng pag-aaral ang katangian ng fans bilang mga prosumer na pinakilos ng iba't ibang talab sa panahon ng pandemya, aktibong tagalikha ng mga fanvid bilang manipestasyon ng talab, at tagadisenyo ng mga naratibo ng sapantaha na salamin ng kolektibong interpretasyon at pagnanasa ng fandom.
URL
https://drive.google.com/file/d/18RkJW_DxEsH4srof21rOo-d1NaZfjVIp/view?usp=drive_link
Bibliography
Gara, A. (2025). Bubblies as vidders: talab sa mga likhang fanvid ng lokal na love team fans sa kontemporaryong panahon. Ateneo de Manila University.
